Umento sa sahod ng mga guro muling iginiit ni Duterte

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nitong dagdag sweldo ng mga guro sa pampublikong eskwelahan pero hindi nito sinabi kung magkano ang umento.

Sa kanyang talumpati sa groundbreaking ng eskwelahan sa Bulacan, nais makapulong ng Pangulo si Education Secretary Leonor Briones para pag-usapan ang isyu.

Handa umano ang Pangulo na makipag-sundo sa mga guro na pwedeng mamili ng petsa gaya ngayong Enero para makagawa ng anumang dokumento kung saan nakasaad na ang mga public school teachers ang sunod na may dagdag sahod ngayong taon.

Humiling ang mga guro ng umento matapos aprubahan ng Kongreso ang 100 percent increase o dobleng base pay ng mga miyembro ng militar at ibang uniformed personnel na naging epektibo noong nakaraang taon.

Pero sinabi ng Pangulo noong May 2018 na hindi pwedeng doblehin ang sweldo ng mahigit 800,000 na guro dahil hindi sapat ang pondo ng gobyerno.

Ayon sa Deparment of Budget and Management (DBM), kailangan ng dagdag P343.7 bilyon na katumbas ng 2 percent ng gross domestic product ng bansa kung dodoblehin ang sweldo ng mga guro.

Nagbabala rin ang DBM na masasakripisyo ang pondo ng ibang prayoridad ng gobyerno gaya ng proyekto sa imprastraktura, libreng matrikula sa kolehiyo at cash transfer program kung magiging doble ang sahod ng public school teachers.

Read more...