Work-from-home law pirmado na ng pangulo

Inquirer file photo

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11165 o ang “The Telecommuting Act”.

Pinapayagan sa nasabing batas ang pagta-trabaho sa bahay ng ilang piling empleyado gamit ang telecommunication o computer technology.

Pero ito ay base sa magiging kasunduan ng employer at ng kanyang empleyado.

Sinasabi sa naturang batas na kailangang nakalagay sa mutual agreement ang detalye ng haba ng oras ng trabaho, overtime, rest days, at iba pang mga benepisyo tulad rin ng isang regular na empleyado na pumapasok sa opisina o workplace araw-araw.

Binigbigyan rin ng Telecommuting Act ng kaparehas na mga karapatan ang isang nagta-trabaho sa bahay at ang regular na empleyado.

Saklaw rin nito ang dagdag na sweldo kapag nagtrabaho ang isang empleyado sa oras ng kanyang rest day ganun rin sa panahon ng legal at regular holidays.

Inaatasan ang nasabing batas ang Department of Labor and Employment na mangasiwa sa isang telecommuting pilot program sa ilang industriya sa loob ng tatlong taon.

Dapat ring magkaroon ng regular na baselining, scoping at profiling sa reasearch work na siyang gagamitin sa evaluation para malaman ang bisa ng nasabing batas.

Layunin ng “work-from-home law” na mabawasan ang bilang ng mga tao sa lansangan tuwing rush hours at magkaroon ng sapat na quality time na laan sa isang partikular na trabaho.

Naniniwala rin ang mga may akda ng batas na magiging mas produktibo ang output ng isang empleyado kung hindi mauubos ang kanyang oras sa byahe papunta sa trabaho.

Read more...