Inamin ni PNP Chief Dir. Gen. Ricardo Marquez na marami silang natutuhan nang pangunahan nila ang pagbabantay sa seguridad ni Pope Francis nang bumisita ito sa bansa noong Enero.
Ayon kay Marquez ito ay may kinalaman sa deployment ng libo-libong mga pulis para magbantay sa mga international events.
Unang leksyon na ipinunto ni Marquez ay ang pangangailangan na ilapit ang kainan sa mga nagbabantay na pulis sa katuwiran na para masiguro na walang magugutom sa mga ito at matitiyak na bagong luto ang mga pagkain.
Aniya, kapag pera ang ibibigay sa mga pulis ay aalis pa ang mga ito sa kanilang puwesto para maghanap ng makakainan at kapag may biglaang security adjustments ay maaring mahirapan nang makabalik ang mga kumain na pulis sa kanilang pagbabantay.
Ngayong panahon ng APEC summit, kumuha ng catering service ang PNP bukod pa sa mga food trucks na magdadala ng mga pagkain sa mismong pwesto ng mga pulis.
Naglagay din ang PNP ng mga overhead shower cubicles sa ilang mga lugar pati na rin ng mga portalets.
Bukod dito, binakunahan ng flu vaccines ang mga pulis na nagbabantay sa APEC para hindi sila magkasakit dahil exposed sila sa ibat ibang elemento ng kalikasan.
Nangako naman si Marquez na marami pang magiging pagbabago sa massive deployment ng kanilang puwersa katulad nang pagbibigay sa kanila ng mga sleeping mats.
Si Marquez, na noon ay ang director ng PNP directorate for operations, ang nagsilbing Commander ng Security Task Force Papal Visit.