Narekober ng mga otoridad ang ilang parte ng baril at mga bala na ginamit sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Nakuha ang kinalas na Cal. 45 na baril, mahigit sa tatlumpung pirasong bala, dalawang magazine at iba pa sa poso negro ng bahay ng isa sa mga suspek sa Batocabe slay na si Emmanuel Rosello sa Pili, Camarines Sur.
Ayon kay PNP-CIDG Director Chief Supt. Amador Corpus, ang baril ay ang gamit ng isa pang suspek at siyang gunman na si Rolando Arimado para mapatay si Batocabe at police escort nito na si SPO2 Orlando Diaz noong December 22, 2018.
Pagkatapos gamitin ni Arimado ang baril ay ibinigay niya ito kay Rosello, na drayber naman ng isa sa getaway motorcycle.
Ang mga narekober ay magsisilbing ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa pagpaslang kay Batocabe.
Samantala, sa Lunes (January 14) ay magkakaroon ng memorial service ang Kamara para kay Batocabe na nagsilbing mambabatas mula 2010 hanggang 2018.
Ang memorial service ay gagawin sa plenary hall ng Batasan Pambansa, simula alas-diyes ng umaga.