Bahagyang nasugatan ang driver at konduktor ng isang UV express service makaraang sumabog ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa loob ng nasabing sasakyan sa Davao City kaninang umaga.
Sa kanyang ulat sa Camp Crame, sinabi ni Davao City Police Chief SSupt. Vicente Danao na galing sa Pikit North Cotabato ang nasabing pampasaherong sasakyan.
Ilang minuto makaraang makababa ang mga pasahero sa SM Ecoland ay bigla na lamang sumabog ang IED na ikinasugat ng dalawang biktima.
Pinag-aaralan na rin ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa APEC summit sa Maynila ang nasabing pangyayari at kung sino ang mga nasa likod ng nasabing pagpapasabog.
Kaagad namang nagpunta sa lugar si Davao City Acting Mayor Paolo “Pulong” Duterte kung saan ay kaagad niyang ipinag-utos na ilagay sa full alert status ang mga pulis sa lungsod.
Bukod sa police visibility, nagdagdag na rin ng checkpoints sa mga pangunahing daanan papasok at palabas ng Davao City.