Kinumpirma ng French authorities na dalawang suspected terrorists ang napatay ng pinaka-huling police operation na ginawa sa pinaniniwalaang kuta ng mga terorista sa Saint-Denis France.
Sinabi ni French Justice Minister Chriatiane Taubira na napatay ng mga police sniper ang lalaking suspect samantalang pinasabog naman ng kanyang kasamahang babae ang kanyang sarili gamit ang isang explosive belt.
Patay din ang isang sibilyan na napadaan lamang sa lugar nang tamaan ng ligaw na bala samantalang tatlong pulis din ang nai-report na sugatan sa nasabing crackdown operation.
Bago ang raid ay nakipag-ugnayan ang French Police sa kanilang mga Belgian counterparts para sa paghahanap sa sinasabing utak ng Paris terror attack na si Abdelhamid Abaaoud.
Nagbunga ang ilang araw nilang pagmanman sa pinaniniwalaang kuta ng mga terorista hanggang sa isagawa nila ang pagsalakay madaling araw oras sa France.
Ayaw magkomento ng mga French officials pero sinasabi ng ilang media reports na posibleng nakatakas si Abaaoud sa nasabing pagsalakay.
Sa kanyang panig, muling tiniyak ni French President Francois Hollande na tuloy ang kanilang pagtugis at pagdurog sa ISIS kasabay ang panawagan sa kanyang mga kababayan na manatiling nakaalerto laban sa mga posibleng paglusob ng nasabing extremist group.