Ilang pulis mula sa NCRPO pinagpapalo ng kahoy ng isang MPD official

Inquirer file photo

Inireklamo ng pananakit ng tatlong tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang opisyal ng Manila Police District (MPD).

Nangyari ang nasabing insidente kaninang umaga habang abala ang lahat sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa reklamo ng mga bagitong pulis mula sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit at Regional Support Unit ng NCRPO, pinagpapalo umanoi sila ng kahoy ng opisyal ng MPD na si C/Insp. Alden Panganiban.

Napag-alaman na si Panganiban ay siyang deputy commander ng MPD Station 11 na nakabase sa Binondo area.

Sa reklamo ng mga pulis na tumangging magpabanggit ng mga pangalan, hindi umano nila nasunod ang ilang utos ni Panganiban at nang ito ay mapikon ay bigla na lamang silang pinalo gamit ang isang kahoy.

Marami umano ang nakakita sa ginawang pananakit ng nasabing opisyal ng MPD.

Kaninang umaga ay naiulat rin na ilang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nakatikim ng paninigaw sa nasabing opisyal ng pulisya.

Ito ay makaraan niyang iutos na alisin ang ilang barikada sa bahagi ng Jones Bridge bagay na hindi kaagad nasunod ng ilang MMDA personnel dahil kailangan muna nila itong ipag-bigay alam sa kanilang mga opisyal.

Read more...