Bigtime pusher patay sa ambush habang sakay ng police car sa Cebu

Photo: Dario Gil of Dyla

Patay ang isang bigtime na drug personality sa isang bayan sa Cebu makaraang ma-ambush habang sakay ng patrol car ng Philippine National Police.

Kinilala ang biktima na si Teocilo Ababon na residente sa bayan ng Argao sa Cebu.

Sa paunang report na nakarating sa Camp Crame, sakay umano si Ababon ng police car kasama ang dalawang tauhan ng PNP mula sa Argao Police Station.

Papunta sa korte ang nasabing mga biktima para sa kaukulang inquest proceeding makaraang mahulihan ng P10 Million halaga ng droga si Ababon noong nakaraang December 29.

Habang tinatahak ang daan patungo sa korte sa Barangay Bulasa ay bigla na lamang umanong pinagbabaril ng ilang armadong kalalakihan ang nasabing police car.

Kaagad na gumanti ng putok ang mga pulis kaya napilitang tumakas ang mga suspek.

Sa nasabing pamamaril ay grabeng nasugatan si Ababon na kaagad na dinala sa isang ospital sa bayay ng Argao kung saan ay idineklara siyang dead-on-arrival.

Ipinag-utos na ng Cebu Provincial Police Office ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa nasabing pananambang.

Read more...