Ang banal na misa na bahagi ng overnight vigil ay pinangunahan ni Monsignor Hernando Coronel, Rector ng Quiapo Church habang ang homilist ay si Cardinal Tagle.
Ibinatay ng Cardinal ang kanyang sermon sa tema ng Traslacion 2019 na “Hinirang at Pinili upang maging Lingkod Niya,” ayon sa Aklat ni Isaias, Kabanata 49 Bersikulo 5.
Dapat anyang ipagdiwang ang debosyon sa Nazareno dahil isa itong biyaya at paghirang lalo’t ang Panginoong Hesus mismo ang unang naging deboto sa bayan ng Diyos.
Hinubad ni Kristo ang kanyang pagka-Diyos upang iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan na bahagi ng kalooban ng Diyos.
“Kaya ipagdiwang natin ang debosyon na ito, ito’y biyaya, ito’y paghirang. Kasi po, ang unang naging deboto sa atin ay si Hesus mismo. Siya ang deboto ng kanyang Ama sa langit, at ipinakita rin niya na siya ay devoted sa atin,” ani Tagle.
“Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, siya ay ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit. Sabi nga ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, hinubad ang kanyang karangalan sa langit bilang Anak ng Diyos para makiisa sa atin, bumaba sa langit,” dagdag pa ng arsobispo.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang tunay na deboto ng Hesus Nazareno ay may tatlong katangian at ito ay ang pagkakaroon ng tunay na pagmamahal, tapat na paglilingkod at nakikipag-isa kay Hesus.
Sinabi pa ng arsobispo na si Hesus dapat ang mahalin at hindi ang mga huwad na diyos.