DA, nagbabala sa posibleng kakulangan sa suplay ng mga manok

Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) ng posibilidad ng kakulangan ng suplay ng manok sa ikalawang kwarter ng 2019.

Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, ito ay kung hindi tataas ang farmgate prices ng mga manok.

Babala ito ng ahensya matapos bumagsak ang farmgate price ng manok sa P38 sa ilang lugar.

Ang farmgate price ang market value ng isang produkto kung saan ibabawas ang gastos sa pagbebenta ng produkto gaya ng transportasyon.

Paliwanag ni Piñol, kapag nalulugi ang mga nagnegosyo ng manok ay aayaw na itong magbenta na magreresulta naman sa shortage o kakulangan ng supply.

Ang naturang problema ay magbibigay daan naman anya sa pagtaas ng presyo ng manok.

Iminungkahi ng Kalihim sa mga stakeholder na itaas ang farmgate price sa P10 kada buwan hanggang maabot ang lebel na hindi na sila malulugi.

Gayunman, kahit bumaba ang farmgate price ay hindi naman bumaba ang presyo ng manok sa mga palengke kung saan nasa pagitan ng P110 at P130 ang kada kilo ng manok habang mula P140 hanggang P150 ang kilo ng choice cut chicken.

Mula noong Kapaskuhan ay may oversupply ng manok na nasa 18 million kilos ng local chicken at 16 million kilos ng nakaimbak na imported chicken.

Read more...