Dalawang abandonadong bag sinuri ng bomb squad sa Quirino Grandstand

Kuha ni Jong Manlapaz

Isang abandonadong bag ang sinuri ng bomb squad matapos matagpuan sa Quirino Grandstand.

Ang iniwang bag ay ipinagbigay-alam ng mga deboto na nakapila sa lugar para sa “pahalik”.

Agad kinordonan ng mga otoridad ang bag at saka tumawag ng mga tauhan ng explosive and ordnance division.

Kahit dumating ang isang babae na nagsabing siya ang may-ari ng bag ay hindi pa ito agad na ibinigay sa kaniya para makasiguro.

Maging ang babae kasi ay hindi masabi kung paanong nalayo sa kaniya ang kaniyang bag.

Matapos suriin, sinabi ni Chief Insp. Arnold Santos, hepe ng MPD-EOD, pawang personal na gamit ang laman ng bag.

Ilang minuto lamang ang nakalipas, isa na namang bag ang natagpuang abandonado malapit lamang sa pila ng mga deboto.

Nang buksan ng bomb squad, pawang mga panglatag na higaan o mauupuan ang laman nito.

Pinayuhan naman ni Santos ang mga deboto na maging alerto at agad isumbong sa kanila kapag may nakitang kahina-hinalang gamit o bagay na inabandona.

Pinaalalahanan din ni Santos ang mga deboto na ingatan ang kanilang mga gamit at huwag basta iwan kung saan-saan.

Ito ay para makaiwas sa abala. Matapos kasing matagpuan ang ikalawang abandonadong gamit, kinailangang paalisin sa lugar ang mga nakapila, para na rin sa kanilang kaligtasan hangga’t hindi natitiyak na ligtas ang laman ng gamit.

 

WATCH:

Read more...