Walang dahilan para tumaas ang presyo ng gulay sa sa Metro Manila sa kabila ng matinding epekto ng Bagyong Usman sa agrikultura.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol, karamihan sa mga gulay na ibinebenta sa Metro Manila ay galing sa mga karatig na lalawigan na Laguna, Quezon at Batangas na hindi naman naapektuhan ng bagyo.
Dahil dito, hindi aniya direktang apektado ng Usman ang suplay ng gulay sa NCR.
Batay sa pinakahuling datos ng DA, matinding pinsala sa taniman ang naidulot ng Bagyong Usman.
Sa Bicol Region pa lamang, umabot na sa P957 million ang halaga ng mga napinsalang tanim na palay.
Bilang tulong sa mga naapektuhang magsasaka, sinabi ni Piñol na magpapamahalagi sila ng hybrid rice seedlings at mag-aalok ng loan sa mga naapektuhan.