Aarangkada na mula ngayong araw ang malalaking aktibidad kaugnay ng Traslacion 2019.
Mamayang ala-1:30 ng hapon, magkakaroon ng pagbabasbas sa lahat ng replica ng Itim na Nazareno na galing pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukas, January 8, alas-7:00 ng umaga, isasagawa ang send-off Mass para sa mga volunteers sa Quirino Grandstand.
Susundan na ito ng ‘pahalik’ sa poon na magsisimula alas-8:00 ng umaga.
Alas-5:00 ng hapon ay magsisimula na ang magdamagang bihilya.
Sa January 9 ng hatinggabi, pagsisimula ng pista, isang Banal na Misa ang pangungunahan mismo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Alas-3:00 naman ng madaling araw sa Quiapo Church ay simula na ng bawat oras na misa hanggang sa makabalik ang Itim na Nazareno.
Alas-4:00 ng madaling araw sa Qurino Grandstand ay isasagawa ang Morning Prayer at susundan na ng makasaysayang ‘Traslacion’ ng imahen hanggang Quiapo Church.
Sa pagtaya ng Church authorities, darating ang Itim na Nazareno sa Quiapo Church alas-2:00 ng madaling araw ng Huwebes, January 10.
Inaasahang aabot sa higit 21 milyon ang makikiisa sa buong linggong pagdiriwang ng pista kung saan ang 2.5 hanggang 5 milyon ay sasama sa Traslacion.