Lakas-CMD, binawi na ang suporta kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo

 

Carlwyn Baldo Facebook

Binawi ng Lakas-Christmas Muslim Democrats (CMD) ang Certificate of Nomination and Acceptance o CONA at pagsuporta kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Ang alkalde ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at police escort nito.

Sa isang statement, kinumpirma ni Lakas-CMD Executive Director Atty. Bautista Corpin, Jr. na hindi na si Baldo ang official candidate ng partido sa mayoralty race sa Daraga sa darating na May 13, 2019 elections.

Naiparating na aniya ng Lakas-CMD ang desisyon nila sa Commission on Elections o Comelec.

Naipadala na rin ang kopya ng liham sa Provincial Election Supervisor at Municipal Election Officer ng Albay at bayan ng Daraga.

Sinabi ni Corpin na sumalang sa deliberasyon ang pag-bawi sa CONA ni Baldo, matapos na masangkot ang mayor sa pagpaslang kay Batocabe noong December 22, 2018.

Ayon sa Lakas-CMD, ang desisyon ay alinsunod sa kanilang commitment para sa isang tapat, malinis at mapayapang halalan, sa gitna ng inaasahang mainit na tunggalian ng mga kandidato.

Kinokondena rin ng partido ang pagpatay kay Batocabe, lalo’t ang anumang uri ng karahasan ay wala anilang lugar sa ating democratic institutions.

Read more...