6 na suspect sa Batocabe slay case hawak na ng PNP

Nasa custody na ng Philippine National Police (PNP) ang anim na mga suspek sa pagbaril at pagpatay kina Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at sa kanyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz.

Sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na nasa police custody na rin ang dating New People’s Army (NPA)  member na si Rolando Arimando at Cafgu member na si Danilo Muella.

Kahapon at sumuko sa Taguig PNP Office ang isa pa sa mga suspek na si Jaywin Bador na ngayon ay nasa custody na ng PNP Intelligence Group.

Sinabi ni Bador na kaagad siyang nagpunta sa Metro Manila para magtago matapos ang naganap na pamamaslang kay Batocabe.

Si Bador ay nagsilbing lookout at driver ng isa sa mga motorsiklo na ginamit sa pagtakas ng mga gunmen.

Nauna dito ay sumuko na rin sa mg otoridad sina Christopher Naval na dating miyembro ng Philippine Army at ang Cafgu member na si Emmanuel Rosello.

Si Naval ay sinasabing miyembro ng security team ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na siya namang itinuturong utak sa naganap na pamamaslang.

Naunang sumuko sa mga opisyal ng Philippine Army sa Sorsogon ang dating miyembro rin ng NPA na si Henry Yuson.

Si Yuson ang naunang nagkumpirma na si Baldo ang mastermind sa pagpatay sa mambabatas.

Lumutang ang mga pangalan ng nasabing mga suspect nang lumantad si Emmanuel Bonita Judavar na nagsabing si Baldo ang utak sa krimen at isinagawa ang plano ng pagpatay kay Batocabe noong buwan ng Agosto makaraan siyang magdeklara na tatakbo bilang alkalde sa bayan ng Daraga.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na napilitang sumuko ang mga suspek sa krimen nang sila ay mabigong makuha ang pera na ipinangako sa kanilang ng alkalde ng Daraga.

Si Baldo at ang anim na mga suspek ay nauna nang kinasuhan ng double murder case dahil sa pagpatay kina Batocabe at Diaz.

Read more...