Anti-APEC rally, ilulunsad ng mga militanteng grupo ngayong araw

Inquirer file photo

Maglulunsad muli ng serye ng mga kilos-protesta ang iba’t-ibang mga katutubo at militanteng grupo ngayong araw, Miyerkules upang kondenahin ang nagaganap na Asia Pacific Economic Cooperation Meeting sa bansa.

Ayon kay Renato Reyes ng grupong Bayan, isa ang Liwasang Bonifacio sa mga lugar na tutunguhin ng mga magpoprotestang grupo upang igiit na walang magiging kapakinabangan ang mga ordinaryong Pilipino sa APEC.

Magsisimula aniya ang rally dakong alas 5:00 ng umaga na dadaluhan ng mga indigenous group mula sa Luzon at Mindanao.

Matapos ang rally sa Liwasang Bonifacio, tutungo naman ang grupo sa Mendiola o Morayta para sa tinaguriang “Pambansang Salubungan ng Katutubo.”

Magiging bahagi rin ng kanilang pagkilos ang panawagan na mahinto na ang militarisasyon sa kanayunan at ang pagpapatigil sa pagmimina ng mga dayuhang kumpanya.

Kahapon, nasa 200 raliyista na nagmula sa southern Luzon ang tumungo sa TM Kalaw Ave. sa Maynila kahapon upang iprotesta ang pakikialam umano ng Amerika sa Pilipinas.

Tinangka ng raliyista na magtungo ng American Embassy ngunit nabigo ang mga ito sa tindi ng seguridad na ipinatutupad kaugnay ng APEC.

Samantala, ayon naman sa Manila Police, papayagang magrally ang mga militanteng grupo kung ito ay sa mga itinakdang lugar lamang at hindi sa mga critical areas kung saan ginaganap ang APEC leaders meeting.

Read more...