Dumagsa ang libu-libong deboto sa Quiapo Church para dumalo sa mga misa sa first Friday ng taon.
Madaling-araw pa lamang ng Biyernes ay hindi na mahulugang karayom ang dami ng tao sa loob at labas ng Basilika ng Quiapo.
Ayon sa Manila Police District, kumpyansa sila at ang National Capital Region (PNP-NCRPO) na 85 percent nang handa ang kapulisan para pista ng Itim na Nazareno sa January 9.
Inaasahang mas darami pa ang mga tao habang papalapit ang pista.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar, pansamantala munang ipagbabawal mula Lunes ang pagtitinda sa labas ng simbahan ng Quiapo.
Sa Lunes, magkakaroon din ng pagbabasbas sa lahat ng replica ng Itim na Nazareno na galing pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang ‘pahalik’ sa poon sa Quirino Grandstand ay magsisimula alas-8:00 ng umaga ng Martes, January 8.
Sa January 9 ng hatinggabi, pagsisimula ng pista, isang Banal na Misa ang pangungunahan mismo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Alas-4:00 ng madaling araw ay isasagawa ang Morning Prayer at susundan na ng makasaysayang ‘Traslacion’ ng imahe mula Luneta hanggang Quiapo Church.
Inaasahang aabot sa higit 21 milyon ang makikiisa sa buong linggong pagdiriwang ng pista kung saan ang 2.5 hanggang 5 milyon ay sasama sa Traslacion.