Ikatlong extension sa martial law sa Mindanao ipinadedeklarang labag sa Saligang Batas

Dumulog muli sa Mataas na Hukuman ang mga kongresista mula sa hanay ng oposisyon para hilinging ideklarang unconstitutional ang ikatlong pagpapalawig sa martial law gayundin ang pagsuspindi sa privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao na tatagal hanggang December 31, 2019.

Inihain ang petisyon nina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Teddy Baguilat Jr., Edgar Erice at Garry Alejano na miyembro ng tinaguraing “Magnificent 7”, at nian Congressman Christopher Belmonte at Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao na mula naman sa Liberal Party.

Ayon sa mga mambabatas, labag sa 1987 Constitution ang ikatlong pagpapalawig sa martial law sa Mindanao na nakapaloob sa joint resolution No. 16 ng Kongreso dahil hindi naman nagpapatuloy ang rebelyon sa Mindanao at hindi rin nanganganib ang kaligtasan ng publiko.

Batay din anila sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Lagman vs Medialdea, nangangailangan ng aktwal na rebelyon o armadong pag-aaklas laban sa gobyerno na may layuning tumiwalag ng katapatan sa republika at ang kaligtasan ng publiko ay nanganganib para mabigyang katwiran ang pag-iral ng martial law.

Dagdag pa ng mga petitioner, nabigo si Pangulong Duterte batay sa kanyang liham sa Kongreso na may petsang December 6, 2018 na magprisinta ng “sufficient factual basis” para kailanganin ang pagpapalawig sa martial law sa Mindanao.

Hindi rin kumbinsido ang opposition congressmen na kunektado sa rebelyon ang nagaganap na karahasan at terorismo sa nasabing rehiyon.

Read more...