Para maiwasan na ang taun-taon na nararanasang dami ng kalat na naiiwan, magpapatupad na ng ‘no vendor poliy’ sa Traslacion 2019.
Ayon kay Manila City Administrator Erikson Alcovendaz, magpapatupad pagbabawalan na ang mga vendor sa lahat ng lugar na pagdarausan ng mga aktibidad sa kapistahan ng Black Nazarene.
Sinabi ni Alcovendaz na partikular na ipagbabawal ang mga nagtitinda sa Quirino Grandstand, sa palibot ng Quiapo Church sa lahat ng rutang tatahakin ng traslacion.
Aminado ang opisyal na noong mga nagdaang taon, naging maluwag ang lokal na pamahalaan at ang organizers ng aktibidad kaya problema lagi ang tambak na basura sa kalsada.
Noong 2017, umabot sa 65 truck ng basura ang nahakot pagkatapos ng traslacion at noong 2018 ay umabot pa sa 95 truck ng basura ang nakuha.
Kasabay nito, umapela si Alcovendaz sa mga vendor na huwag nang magtangkang maglagay ng pwesto sa mga lugar na sila ay bawal mula January 8 at 9 dahil huhulihin sila ng mga pulis.