Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sinumang nagpapakita ng pambabastos sa mga immigration officer nila ay maaring maipa-blacklist na sa Pilipinas.
Ginawa ni Sandoval ang pahayag matapos kumalat ang mga balita na nanigaw at nagmura ang aktor na si Tony Labrusca ng immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay makaraang bigyan lang umano si Labrusca ng 30 araw para manatili dito sa Pilipinas.
Pero sa inilabas na abiso ng BI, hindi naman nito tinukoy kung si Labrusca ang pinatutungkulan ng kanilang babala.
Kasabay nito, nagpaalala ang BI sa publiko na ang sakop lamang ng “Balikbayan Privilege” ay ang mga dating Pinoy na naging naturalized citizen sa nasabing bansa, kanilang asawa at kanilang anak na bibiyahe kasama nila.
Sa ilalim ng nasabing privilege ay bibigyan sila ng isang taon para makapanatili sa Pilipinas.
Sa kaso ni Labrusca, wala itong Philippine passport, hindi ipinanganak sa Pilipinas at hindi kasama ang magulang nang siya ay dumating sa NAIA.