Mga kaalayado sa Kamara masaya sa pagbasura ng SET ng kaso vs. Poe

congress (1)
Inquirer file photo

Ikinalugod ng ilang Kongresista ang pagbasura ng Senate Electoral Tribunal o SET sa disqualification case laban kay Senadora Grace Poe.

Ayon kay Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian, welcome development ang SET decision.

Mula’t sapul ay tiwala siya na malalagpasan ni Poe ang disqualification case na inihain laban sa kanya, hindi lamang sa SET kundi sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Gatchalian na ang solidong argumento ng kampo ni Poe ang maaaring binigyang-bigat ng mga miyembro ng SET.

Sa panig naman ni Kabataan PL Rep. Terry Ridon, sa harap ng mga legal obstacles ay patuloy na sinusuportahan ng mga tao si Poe.

Ani Ridon, maaaring nakinig ang ilang SET members sa sentimyento ng mga sumusuporta kay Poe at hindi nagpatali sa legal na aspeto ng kandidatura ng Senadora.

Kanina, sa botong 5-4 ay ibinasura ng SET ang petisyon ni Rizalito David laban kay Poe kung saan ay nangangahulugan din ito na mananatiling miyembro ng Mataas na Kapulungan si Poe.

 

Read more...