Hiniling ni Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo sa mga lider na dadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit Meeting na tugunan ang malawakang problema sa kahirapan at kagutuman sa iba’t-ibang mga bansa.
Para kasi kay Quevedo ay may positibong idudulot ang pagtitipon ng ibat-ibang lider para sa pagpapaunlad ng mga bansa katulad ng Pilipinas.
Naniniwala si Cardinal Quevedo na kung ipatutupad lamang ang “Trickledown Theory” ay mararanasan ng mga nasa grassroots ang pag–unlad sa ekonomiya.
Iginiit pa ng Cardinal na nauna ng naglabas ng pastoral letter ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na naglalayong bigyang inspirasyon ang pamahalaan na paunlarin hindi lamang ang ekonomiya ng bansa lalo’t higit ang buhay ng mga mahihirap.
Umapela naman ang nasabing lider-simbahan sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang mga polisiyang matatalakay sa APEC bago batikusin ang nasabing pagtitipon.
Umaasa rin si Quevedo na magiging mapayapa sa kabuuan ang APEC 2015 kung saan nakataya umano ang pangalan hindi lamang ng pamahalaan kundi ng buong bansa.