Walang namamataan ang PAGASA na sama ng panahon na papasok sa bansa sa susunod na tatlo hanggang limang araw.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, hanging Amihan pa rin ang weather system na umiiral sa bansa partikular sa Luzon at Visayas.
Dahil sa Amihan, makararanas ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora at Quezon.
Sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon at buong Visayas ay inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pulo-pulong pag-ulan.
Magandang panahon naman ang inaasahan sa Mindanao na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, posible pa ring umabot sa 4.5 meters o higit pa ang alon sa mga baybayin sa Silangang bahagi ng bansa kaya’t ipinagbabawal pa rin ang paglalayag.