Nang manalasa ang Bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 sa Leyte province, libu-libong kabahayan ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Para sa mga nangangasiwa ng elektrisidad sa sa Leyte, hopeless na ang sitwasyon.
Pero para kay Leyte Electric Cooperative III General Manager Allan Laniba, hindi ito sapat na dahilan para mawalan ng pag-asa.
Agad na pinulong ni Laniba ang kanyang mga tauhan para planuhin ang pagbabalik ng suplay ng kuryente.
Sakop ng Leyeco III ang mga munisipalidad ng Pastrana, Sta. Fe, Alangalang, San Miguel, Jaro, Tunga, Capoocan, Carigara at Barugo.
Tinatayang aabot sa 37,000 na kabahayan na sakop ng Leyeco III ang nawalan ng kuryente. Pero sa halip na itapon ang mga nasirang kilowatt hour meter, isa-isang tinipon ito ni Laniba.
Para magsilbing inspirasyon, naisip ni Laniba na gumawa ng “Biggest Portrait of Jesus’ Face” na gawa sa mga sirang metro sa kanilang tanggapan sa bayan ng Tunga.
“Our message is, yung mga bahay na nawalan man ng ilaw during the bagyo pero ito rin ang gagamitin natin na mensahe na hindi natin malilimutan that there is Jesus the ultimate source of invinsible light that should light our home not just the light from electricity,” pahayag ni Laniba.
Tinatayang aabot sa tatlong libong piraso na sirang metro ang ginamit sa portrait. Ayon kay laniba, inumpisahan ang paggawa ng portrait noong setyembre 8, 2013 na siyang kaarawan ni Mama Mary at natapos noong Nobyembre 2014 o isang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda.
Mismong si Palo Archbishop John Du ang nagbasbas sa portrait noong Disyembre 22, 2014 kasabay ng isang simpleng Christmas party ng mga empleyado ng Leyeco III.
Ayon kay Laniba, para makita ang kabuuan ng portrait, kinakailangan na umakyat sa katabing octagon Christmas tree na gawa naman sa mga poste ng kuryente.
“Jesus said in the Bible, ‘I am the light,’ parang ganun ba. During the Yolanda, wala ka nang ibang mapanghawakan kundi ang Diyos na lang di ba? Kahit na sa gobyerno, nahirapan noon sa mga tulong, the only thing, the only way na raise back the morale of my people during the typhoon, na may pag asa pa, to cling on Jesus, parang doon nag start ang concept dyan sa paggawa ng portrait,” pahayag ni Laniba.
Ayon kay Laniba, mistulang Baptism of Fire niya ang bagyong Yolanda. Nabatid na noong June 2013 lamang naitalaga bilang bagong manager ng Leyeco III si Laniba matapos ang ilang taong paninilbihan bilang manager ng Davao del Norte Electric Cooperative.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na si Laniba sa Guiness book of world record para maging opisyal ang kanilang claim na sila ang may pinakamalaking portrait ng mukha ni Hesus na gawa sa mga sirang kilowatt hour meter./ Chona Yu