Ang ibig kong sabihin, ito ay nakabatay sa personalidad at partisanong pulitika tulad ng dati, gaya ng dati. At hindi ito totoo lamang sa mga datihang pulitiko. Isama na natin pati mga baguhan.
Matanong ko nga kayo, ano ang kaibahan ng isang datihan at batikang pulitiko sa isang baguhan nga ngunit nasa bakuran o kaya ay kasalamuha ng mga datihan at batikang pulitiko? Ang baguhan pa ba ang magtuturo ng taktika at mga pamamaraan sa baguhan? Maaaring kailangan ang baguhan dahil mabango at wala pang mantsa o bahid ang imahe o katauhan sa publiko ngunit sa kalagitnaan na ng kampanya lalo na kapag tapos na ang halalan, hindi maaaring hindi Ito yumukod sa kagustuhan ng partidong sinamahan o kinapitan.
Ilang pulitiko na ba sa loob ng dalawampu at limang taon ko sa pamamahayag at sa ilang eleksiyon na ring nasaksihan at naibalita ko sampu ng mga kasama sa media kulay puti sa simula, kalayuan ay kulay burak na kundi man ganap ng kulay itim sa labis na pagtampisaw sa daigdig ng pulitika.
Naalala ko ang isang opisyal, nahalal na alkalde, walang backing ng malaking partido, walang pera, ang ganda ng simula. Ngunit noong nakaupo na, ang mga usapin at isyu na ibinato sa pinalitan at tinalo niyang alkalde ay mga usapin at isyu ding kanyang kinakaharap at sinasangga. Alam kong pamilyar kayo sa ganung kuwento na kalaunan, ang lumaban sa dynasty ng isang lugar ay siya namang panibagong nagtatayo ng kanyang sariling dynasty.
Tapos na yung dati. Sila naman.
Politics should be good. Politicians should be emulated as a source of inspiration because public office and the people who get elected into these positions ought to possess the highest standard of integrity in public service. Should. Ought. Hindi iyon ang totoong buhay. Hindi ako nakakakita ng bagong direksiyon o bagong daan sa mga pangalang naglalabasan ngayon.
Ang panalo ay nakabatay pa rin sa pera, personalidad, partido at pakikisama.
May uupong pinuno sa puwesto, nasa unahan, nahalal. Ngunit hanapin mo ang tunay na lider, mangangawit ang leeg mo sa kahihintay, hindi siya darating sa lugar na inaabangan mo, hindi sa nalalapit na panahon. Hindi sa 2016.
Pero nangangarap pa rin ako na dumating ang panahong hindi personalidad at partidong partisano ang maging takbo ng pagbabalita sa halalang darating. Sa aking pangarap, maliwanag sa akin na minsan, ang pangarap hanggang panaginip lang.