Bombang pinasabog sa Cotabato City kahalintulad ng ginagamit ng grupong Daulah Islamiyah

AP Photo
May banta pa rin sa seguridad sa Cotabato City ilang araw matapos ang pagsabog na naganap sa isang mall doon.

Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division Maj. Gen. Cirilito Sobejana patuloy na nakaalerto ang mga otoridad matapos ang pag-atake sa South Seas Mall na ikinasawi ng 2 katao at ikinasugat ng 34 na iba pa.

Sinabi ni Sobejana na bago pa ang pagsabog noong Dec. 31 ay nakatatanggap na ng mga impormasyon hinggil sa security threats ang mga otoridad.

Ilang buwan na aniyang naroroon ang banta pero hindi aniya nagpakakampante ang mga otoridad at nanatiling alerto.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang pinasabog na bomba ay kahalintulad ng ginagamit ng Daulah Islamiyah na pinamumunuan ni Salahuddin Hassan, lider ng breakaway faction ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Sinabi ni Sobejana na mayroon na silang bagong lead sa insidente base sa security camera footage sa lugar.

Mayroon na rin aniya silang pangalan ng mga suspek at patuloy na an manhunt operation sa mga ito.

Read more...