Sa kalagitnaan pa ng Enero mararamdaman ang epekto ng pagpapatupad ng ikalawang bugso ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ito ang inanunsyo ng Department of Energy (DOE) bagaman kahapon, unang araw ng 2019, naging epektibo ang second tranch ng excise tax.
Sa isang panayam, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na kakailanganin pa muna kasing ubusin ng mga kumpanya ng langis ang kanilang natitirang stocks ng mga produktong petrolyo.
Sa kanilang pagtataya, ang natitirang fuel stocks mula sa 2018 ay aabot hanggang sa kalagitnaan ng Enero, ngunit nakadepende ito sa demand sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.
Paliwanag pa ng kalihim, sa mga “new inventories” o bagong angkat na produktong petrolyo maaaring idagdag ang panibagong excise tax.
Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na simula kahapon, January 1, 2019 ay madadagdagan pa ng dalawang piso ang kasalukuyang halaga ng mga produktong petrolyo dahil sa excise tax.
Ibig sabihin, nasa P4.50 na ang nakapataw na excise tax para sa kada litro ng diesel, habang P9 naman para sa kada litro ng gasolina.
Matatandaan na epektibo sa unang araw ng 2018 unang nadagdagan ng P2.50 ang presyo ng kada litro ng diesel, at P7 para sa gasolina.
Samantala, binalaan ng DOE ang mga kumpanya ng langis na maaari silang ipasara at kasuhan ng large scale estafa sakaling lumabag sa pag-uutos.