Kritisismo vs. Duterte admin walang epekto sa mayorya ng mga Filipino – Palasyo

Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi umubra ang demolition job at ‘climate of negativity’ na ikinakalat ng mga kritiko ng administrasyon sa mayorya ng mga Filipino.

Ito ay matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na 9 sa bawat 10 Filipino o 92 percent ang sasalubong sa Bagong Taon ng may pag-asa kaysa takot.

Mas mababa ito ng apat na puntos o 96 percent sa nakalipas na taon habang ang mga nakararamdam ng takot ay tumaas din ng apat na puntos kumpara noong 2017.

Bagaman bumaba, nagpasalamat si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa anya’y pagiging positibo ng mga Filipino sa ilalim ng administrasyon.

Patunay lamang anya ito na walang epekto sa mayorya ng mga Filipino ang negativity na pinaiiral ng anya’y ‘noisy minority’.

Iginiit pa ni Panelo na maraming dapat ipagdiwang ang mga Filipino dahil sa mga repormang pangekonomiya na ipinatutupad at maging sa bumabang bilang ng krimen na nagresulta para maramdaman ng mga tao na sila ay ligtas sa kapahamakan.

Umaasa ang Malacañang na ang mga hindi naniniwala sa gobyerno ay makikita na ang mag ginagawa ng presidente sa bansa na ang resulta ay hindi lang naman umano para sa mga taga-suporta kundi sa buong Pilipinas.

Read more...