Naniniwala ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nais ng salarin sa pagpapasabog sa isang mall sa Cotabato City ang mabalam ang peace process sa Bangsamoro region.
Ito ang naging pahayag ni MILF chair Al Haj Ebrahim Murad matapos ang pambobomba na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng 32 iba pa.
Ani Murad, nakapagtataka na ginawa ang pag-atake ilang linggo bago maganap ang plebesito para sa Bangsamoro Organil Law (BOL).
Aniya, sa mga nakalipas na panahon, ginawa na ang mga katulad na insidente upang mabalam ang peace process sa rehiyon.
Hindi aniya maging balakid ang naturang pag-atake upang muling ihinto ang peace process at sa halip ay dapat ituloy ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang tuluyan nang magkaroon ng kapayapaan sa Bangsamoro region.
Hiling ni Murad sa mga otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa insidente.
Hindi aniya sila papayag na gamitin ninuman ang pag-atake upang maka-ungos sa kanilang sariling interes o political agenda sa pamamagitan ng paglalabas ng premature conclusions tungkol sa motibo nito.
Hinimok pa ni Murad ang mga residente ng Cotabato na magkaisa upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan ang kanilang lugar sa pamamagitan ng tuluyang pagpasa ng BOL.