Mariing kinondena ng Pambansang Pulisya ang pambobomba sa isang mall sa Cotabato City sa bisperas ng Bagong Taon na ikinasawi ng dalawa katao.
Sa isang pahayag, inilarawan ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang pag-atake bilang gawain ng isang duwag.
Ani Albayalde, ipinag-utos na niya ang pagbuo ng isang special investigation task group na silang magsisiyasat sa pagpapasabog.
Nangangako aniya ang buong hanay ng pulisya na gagawin ang lahat para sa agarang ikalulutas ng kaso at magdadala sa kulungan ng salarin nito.
Sa ngayon ay hindi pa rin batid kung sino ang nasa likod ng pag-atake.
Kasabay nito ay nakiramay ang opisyal sa pamilya ng dalawang nasawi, maging sa 32 mga nasugatan.
Samantala, hinimok ni Albayalde ang publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad ang anumang impormasyon na makapagtuturo sa suspek ng pagpapasabog.