BOL plebiscite at midterm elections, panibagong hamon sa PNP ngayong 2019

Sa pagbubukas ng panibagong taon, hinimok ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang lahat ng mga pulis na paigtingin pa ang paglilingkod sa publiko.

Sa kanyang New Year’s message, sinabi ni Albayalde na inaasahan niyang mas marami pang kakaharapin ang pulisya patungkol sa pagseserbisyo sa sambayanan.

Lalo na umano sa paghahanda ng buong bansa para sa plebesito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa January 21 at February 6, maging ang midterm elections sa Mayo.

Aniya, nais niyang panatilihin ang mababang bilang ng mga krimen katulad ng naitala sa katatapos lamang na taong 2018.

Pagtitiyak pa ni Albayalde, mananatiling prayoridad ng PNP ang pagsugpo sa kalakaran ng iligal na droga, gayundin ang internal cleansing sa Pambansang Pulisya mula sa mga nananamantalang otoridad.

Kasabay ng kanyang pagbati para sa isang mapayapa at masaganang Bagong Taon, hiniling ni Albayalde ang tulong ng bawat isang pulis upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin nang may pag-asa para sa pag-unlad ng Pilipinas.

Read more...