Susubukan ni Donnie Nietes na masungkit ang kanyang fourth division title ngayong araw.
Nakatakdang labanan ng Filipino boxing champ si Kazuto Ioka ng Japan sa Wynn Palace sa Macau para sa super flyweight division.
Sa naganap na weigh-in, pasok ang dalawang boksingero kung saan tumimbang si Nietes ng 115 pounds, ang maximum limit sa dibisyon, habang si Ioka naman ay tumimbang ng 114.5 pounds.
Ito ang ikalawang subok ni Nietes para sa super flyweight belt matapos mauwi sa draw ang kanyang laban sa kapwa Filipino na si Aston Palicte noong Setyembre.
Ayon sa trainer ni Nietes na si Edito Villamor, nangako ang kanyang manok na hindi na nito gagawin pa ang mga pagkakamali sa nakaraang laban.
Giit ni Villamor, mas gutom si Nietes na manalo ngayon at handa itong ipakita na siya ang hari sa sagupaan mamaya sa boxing ring.
Mula noong December 25 ay nasa Macau na ang kampo ni Nietes para sa kanyang paghahanda laban sa kalabang Hapon.
Bagaman 36 anyos na at 29 pa lamang si Kazuto, naniniwala si Villamor na mananaig ang skills, karanasan at lakas ni Nietes sa laban.