Inilagay na sa ilalim ng state of calamity ng bayan ng Baco sa Oriental Mindoro kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Usman.
Ayon kay Baco Mayor Reynaldo Marco, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang paglalagay sa state of calamity sa kanilang bayan.
Nasa 90 porsyento aniya ng bayan ng Baco ang lubog sa baha kung saan nasa anim na talampakan ng taas ng karamihan.
Samantala, nadadaanan na naman ng malalaking sasakyan ang National Highway na sakop ng Barangay Bucayao at Panggalaan sa Calapan City matapos bahagyang humupa ang baha.
Gayunman hindi pa rin makadaan ang maliliit na sasakyan dahil sa pag apaw ng Bucayao River.
Isa namang bata ang hinanap sa Barangay Bucayao matapos malunod sa lugar.
Sa Roxas, Oriental Mindoro naman inilikas ang ilang pamilya sa Barangay San Rafael dahil sa pag apaw ng Bongabong river.
Dinala na ang mga pamilyang inilikas sa evacuation center sa lugar.