“HAPPIEST” 2019 SA ATING LAHAT! sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

Maganda ang pasok ng taong 2019 sa bayang Pilipinas. Unang-una, papasok na tayo sa tinatawag na “upper-middle income country” na ang kinikita ng mamamayan ay mula $3,896 to $12,055 bawat taon.  Magiging kagrupo natin dito ang China, Malaysia at Thailand na ang basehan ng World Bank ay ang gross national income (GNI) ng bawat mamamayan.  Sa ngayon, nasa “lower income status” pa rin ang Vietnam, Indonesia, Laos at Myanmar.

Ikalawa, patuloy ang pagbagsak ng Dubai crude mula $83/bbl noong Oktubre sa ngayo’y $51/bbl sa world market. Ibig sabihin, babagsak ang singil sa kuryente, tubig at maging mga presyo ng produksyon kaya’t magiging mura ang ilang bilihin.

Bukas, merong panibagong oil price rollback. Kung kukwentahin sa buong 2018, lugi pa rin tayo sa diesel at gasolina pero nakabawi naman sa gaas o kerosene. Ang gasolina ay 31 beses tumaas (+P21.57/L)   pero 21 beses bumaba (-P21.10/L) o lugi pa tayong consumers ng -P0.40/L.  Ang diesel tumaas ng 30 beses (+P22.30/L) at bumaba ng 23 beses (-P20.80/L) kayat lugi tayo ng -P1.50/L. Pero bawi tayo sa kerosene o gaas na 30 beses nagtaas (+P21.08/L) at nag-rollback ng 23 beses (-P21.37/L) o sobra ng +P0.29/L.

Hindi na rin itutuloy ng gobyerno ang dagdag na P2/L na excise tax sa gasoline diesel at kerosene ngayong Enero.

Isa pang magandang balita ay itong pag-aalis ng 12-percent VAT sa mga gamot sa “high blood”, “cholesterol” at diabetes. Hindi lamang senior citizens at mga physically disabled ang makikinabang dito kundi napakaraming pamilya na may budget lagi sa mga “maintenance drugs” ng mahal sa buhay.

Ayon sa DOH, 12-M Pilipino ang merong hypertension at kalahati nito ay mga “walking time bombs”. Ang Diabetes ay sakit ng 6-M na kababayan natin samantalang ang tumataas na “high cholesterol” ay nagdudulot ng sakit sa puso sa mga kabataan ngayon. Magandang pasalubong ang “affordable medicines” ngayong bagong taon.

Magandang balita rin ang pagbaba ng “inflation” mula sa dating 6.7 percent sa ngayo’y 5 percent. Patuloy din ang pagbaba ng presyo ng bigas mula sa dating P50/kilo sa ngayo’y P35/kilo levels dahil sa “oversupply” at napipintong “rice tariffication law”.

Napakagandang balita rin na hindi nagsasawa ang ating mga mahal na OFWs sa pagpapadala ng “remittances” sa kanilang kamaganak. Ayon sa BSP data, malalampasan ngayong taon ang record na $31.28-B noong 2017 kahit nagkakahirapan ng trabaho sa Middle East.

Dumami rin ang nagka-trabaho na 800,000 ngayong taon at bumaba naman ang unemployment rate mula 5.7 percent sa ngayo’y 5.3 percent, ayon sa 2018 Labor Force survey ng Philippine Statistics Authority.

Nabuksan at nalinis na ngayon ang Boracay Island matapos isara ng anim na buwan mula Abril. Inaasahan ng DOT na papalo sa $6-B ang malilikom na “revenues” ng turismo at papalo naman sa pitong milyon ang tourist arrivals ngayong 2018.

Excited na rin tayo sa plano ng DENR na linisin ng husto ang “highly polluted” na Manila Bay ngayong 2019.

Magpatuloy sana ang gumagandang ekonomya at “peace and order” at iba pang magagandang bagay sa papasok na taon. Maswerteng-maswerte tayo ngayon lalo’t meron tayong Catriona Gray bilang Miss Universe ng bagong taong 2019 .

HAPPY NEW YEAR, PILIPINAS!

Read more...