Gobyerno magiging patas sa 2019 elections ayon kay Pangulong Duterte

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging patas ang kanyang gobyerno para sa paparating na May 2019 midterm elections.

Sa talumpati sa Kidapawan City, sinabi ng presidente na nagpaalala na siya sa pulisya at militar na huwag makikialam sa eleksyon.

Inabisuhan niya umano ang mga ito na huwag pumabor sa mga kandidato ng administrasyon o kahit pa sa mga kalaban.

Gayunman, sinabi ng presidente na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng ‘political terrorism’.

Ayon kay Duterte, sinumang gagawa ng terror acts at nagdulot ng hindi magandang resulta ay haharap mismo sa kanya.

Sa kaparehong talumpati inamin ng punong ehekutibo na kanyang sinopla ang isang alkalde sa Albay na tinatakot umano ang asawa ng pinatay na si Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe.

Matatandaang pinatatakbo ng pangulo si Gertie Duran Batocabe sa pagka-alkade ng Daraga upang pumalit sa kanyang asawa na matunog umano sanang mananalo sa 2019 elections.

Read more...