Ipinag-utos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapahinto sa balak na Guinness World Record na may pinakamaraming bilang ng lobo na ipakakawala sa Bisperas ng Bagong Taon sa Okada Manila, Parañaque City.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ipinahihinto na sa event organizers ng Cove Manila ang planong “largest balloon drop” na may 130,000 na lobo sa Okada.
Ito ay dahil aniya sa problema ng Pilipinas pagdating sa dami ng basura.
Sa panayam ng Inquirer.net, sinabi ni DENR spokesperson, Environment Undersecretary Benny Antiporda na hindi mag-aatubili ang kagawaran na arestuhin at maghain ng kaso laban sa mga organizer na magtutuloy ng naturang event.
Aniya, magkakaroon ng “soild waste disaster” oras na matuloy ang event sa December 31, 2018.
Giit pa nito, magkakaroon ng opisyal na personal na tutukan sa tamang pagtapon ng mga lobo.
Mayroon kasing kumakalat na ulat na itutuloy ang event sa loob ng Okada hotel.
Lumabas ang pahayag ng DENR matapos imbitahin ng Cove Manila ang publiko na makiisa sa pagpapakawala ng lobo sa Bisperas ng Bagong Taon.
Umani din ang event ng pambabatikos mula sa mga netizen sa social media.