Bagyong Usman, nag-landfall na sa bisinidad ng Borongan, Eastern Samar; isa na lamang LPA

Isa na lamang low pressure area (LPA) ang Bagyong Usman matapos mag-landfall sa bisinidad ng Borongan, Eastern Samar kaninang alas-6:00 ng umaga.

Sa 8am Severe Weather Bulletin ng PAGASA, huling namataan ang lokasyon ng ngayo’y isa na lamang LPA sa bisinidad ng Llorente, Eastern Samar.

Bagaman isa na lamang sama ng panahon, ibinabala pa rin ng weather bureau na magdadala pa rin ito ng malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA at lalawigan ng Aurora.

Mahina hanggang sa katamtaman namang mga pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Central Luzon at buong Visayas.

Pinag-iingat pa rin ang publiko sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa nabanggit na mga lugar.

Samantala, nakataas ngayon ang Yellow Rainfall Warning sa Southern Quezon kung saan mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan na posible pa ring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nananatiling mapanganib ang paglalayag sa seaboards ng Northern at Central Luzon, eastern at western seaboards ng Southern Luzon at eastern seaboards ng Visayas.

Inaasahang lalabas na ng PAR ang LPA sa Lunes ng umaga.

Read more...