Pagsipa ng inflation para sa buwan ng Disyembre inaasahang bumagal pa ayon sa BSP

Positibo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumagal pa ang pagsipa ng inflation para sa buwan ng Disyembre.

Sa pagtaya ng Department of Economic Research (DER) ng central bank, inaasahang papalo ang inflation ngayong buwan sa 5.2 hanggang 6 percent.

Matatandaang bumaba sa 6 percent ang inflation noong Nobyembre mula sa 6.7 percent na naitala noong Setyembre at Oktubre na pinakamataas sa siyam na taon.

Sinabi ng DER na ang pagbaba sa inflation ay dahil sa patuloy na pagbaba sa presyo ng petrolyo, bawas-pasahe sa jeep mula P10 sa P9 at ang bahagyang paglakas ng piso kontra dolyar.

Gayunman ayon sa BSP posibleng makaapekto pa rin sa inflation rate ang pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco.

Tiniyak naman ng BSP na patuloy nitong babantayan ang mga salik na nakakaapekto sa presyo ng mga bilihin upang masigurong maaabot ang target inflation.

Pumalo ang average ng inflation mula Enero hanggang Nobyembre sa 5.2 percent na mas mataas sa target ng BSP na 2 hanggang 4 percent lamang.

Read more...