OFW na biktima ng tanim-bala, planong magsampa ng kaso laban sa pamahalaan

 

Maila Ager/inquirer.net

Pinag-aaralan na ng panig ng OFW na si Gloria Ortinez na kasuhan ang ilang opisyal ng pamahalaan matapos itong mawalan ng trabaho sa Hong Kong dahil sa tanim-bala scam sa Ninoy Aquino International Airport.

Si ginang Ortinez ay hindi na muling tinanggap ng kanyang amo sa Hong Kong bilang Household Service Worker makaraang madetine sa Pilipinas nang mabiktima ng modus at mabigong makabalik sa trabaho sa takdang araw.

Ayon kay Spocky Farolan abugado ni Ortinez, bukod sa mga sangkot sa tanim bala, kanilang kakasuhan din ang ilang opisyal ng gobyerno dahil sa kapabayaan kaya’t naperwisyo ng todo-todo ang ginang.

Tinukoy ni Farolan ang mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration, Department of Labor and Employement at Department of Foreign Affairs na nagpabaya sa kaso ni Ortinez.

Paliwanag nito, bigo ang mga ahensya na sabihin sa ginang na wala na itong trabahong sa Hong Kong.

Nabatid na lamang ni Ortinez na inalis na siya sa trabaho ng kanyang amo nang makipag-ugnayan ito sa immigration kiosk sa Hong Kong noong Sabado.

Sa tulong ng ilang OFW advocacy group, nagpuntang muli si ginang Ortinez sa Hong Kong sa pag-asang makakabalik ito sa kanyang amo. Sa una ay tumanggi ang amo na tanggapin muli ang ginang ngunit kalaunan ay pumayag na itong muli sa oras na maisaayos na kanyang bagong kontrata.

Mula sa Hong Kong nakatakdang bumalik sa bansa sina ginang Ortinez ngayong araw.

Read more...