Nanawagan ang Philippine National Police sa publiko na iwasang magpaapekto sa mga umano’y kumakalat na mga text messages at mga mensahe sa mga social media sites na nagbabanta ng panibagong pag-atake matapos ang Paris Attack.
Ang panawagan ay resulta ng pagkalat sa internet ng umano’y bagong video na nagpapakita sa mga armadong kalalakihan na nakaitim at nagbabanta ng paghihiganti sa mga kahihiyang pinagdadaanan ng mga Muslim.
Iginiit ni PNP spokesperson C/Supt. Wilben Mayor na hanggang sa kasalukuyan wala pa ring konkretong banta silang natatanggap na maiuugnay sa nagaganap na APEC meeting sa bansa.
Gayunman, nilinaw ni Mayor na kanila pa ring bineperipika ang umano’y ISIS video.
Sa panig naman ni Police Director General Ricardo Marquez, na pinuno ng APEC security task group, sinabi nitong kanilang siniseryoso ang impormasyon at ipinauubaya na sa kanilang intelligence group.
Nanawagan din si Marquez sa publiko na tumulong sakaling may impormasyon silang maibabahagi sa posibleng mga plano na maghasik ng kaguluhan sa kasagsagan ng APEC meeting.