Hinakot ng pelikulang Rainbow’s Sunset ang ilan sa pinakamalalaking parangal sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Naganap ang “Gabi ng Parangal” kagabi sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque.
Nakuha ng Rainbow’s Sunset ang Best Picture, Best Screenplay, Best Production Design, Best Original Theme Song at Gat. Antonio J. Villegas Cultural Award.
Nakuha rin ng pelikula ang Best Director para kay Joel Lamangan, Best Actress para kay Gloria Romero, Best Supporting Actress para kay Aiko Melendez at Best Supporting Actor para kay Tony Mabesa.
Nakuha din nina Max Collin at Eddie Garcia para sa Rainbow’s Sunset ang Special Jury Prizes for an actress and for an actor.
Nakuha naman ng ‘Aurora’ ang 2nd Best Picture, Best Cinematography, Best Sound Design, Best Visual Effects at Best Child Performer para kay Phoebe Villamor.
Nasungkit ng ‘One Great Love’ ang 3rd Best Picture at Best Musical Score.
Ang ‘Jack Em Popoy’ naman na isa sa mga nangunguna ngayon sa takilya ay nakuha ang Best Editing, Best Float at FPJ Memorial Award.
Wagi bilang Best Student Short Film ang ‘Kasilyas’ ng Bulacan State University.
Itinanghal naman bilang ‘Scratch It’ Lucky Male and Female Star of the Night Award sina Jericho Rosales at Anne Curtis.
Inaasahang makaapekto sa takbo sa takilya ng mga pelikula ang naganap na awards nights.
Ayon kay Noel Ferrer, spokesperson ng Metro Manila Film Festival, ang ‘Fantastica’ ni Vice Ganda, ‘Jack Em Popoy’ at ‘Aurora’ ang pinipilahan ngayon sa mga sinehan.