Nangako ang ilang grupo ng mga preso sa maximum security compound sa New Bilibid Prison na hindi na makikiisa sa ilang gang activity.
Pumirma ang mga lider ng 12 tinatawag na “barangay” sa compound ng 22-point na mga batas para sa mga preso.
Ito ay isang kasunduan ng mga preso sa NBP para ihinto ang gang system na may koneksyon sa mga krimen kabilang ang pagbebenta ng ilegal na droga at armas.
Nakasaad sa ika-19 item ng kasunduan ang pagsang-ayon sa mandato ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi pag-oorganisa ng pangkat sa loob at labas ng BuCor facility.
Kabilang din sa kasunduan ang pagbabawal sa riot, pagtatago ng armas, pagbenta at paggamit ng ilegal na droga, paghuthot ng pera, sugal, pagnanakaw at iba pa.
Maliban sa pagpirma sa kasunduan, pinangunahan din ng mga lider ng mga “barangay” ang pagsusunog sa mga poster ng kanilang grupo.