DOTr nagpaliwanag sa inilabas na travel advisory sa NAIA ng US Homeland Security

Inquirer file photo

Nagpaliwanag ang Department of Transportation (DOTr) hinggil sa inilabas na travel advisory ng US Homeland Security na nagsasabing hindi epektibo ang seguridad na ipinatutupad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pahayag, sinabi ng DOTr, na kanilang tinitiyak sa publiko, katuwang ang Manila international Airport Authority (MIAA) at Office for Transportation Security (OTS) na binibigyang prayoridad at atensyon ang pagpapatupad ng striktong seguridad sa NAIA.

Kinumpirma din ng DOTr, na nagsagawa ng assessment ang US Department of Homeland Security’s Transportation Security Administration sa NAIA at kabilang sa naging rekomendasyon ay ayusin pa at paigtingin ang seguridad sa paliparan.

Ayon sa pahayag ng DOTr, ang MIAA at OTS ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa international assessment bodies kabilang na ang International Civil Aviation Organization o ICAO.

Base naman umano sa huling findings ng ICAO, “generally satisfactory” ang naging score ng NAIA hinggil sa safety at security at may rekomendasyon din na itama ang action plan sa paliparan.

Kabilang sa nagging rekomendasyon ang paglalagay ng bagong equipment gaya ng X-ray machines, walk-through metal detectors, at alarm systems.

Ayon sa DOTr, nasa proseso na ang pagbili ng nasabing mga gamit pero hindi naman magiging mabilis ang proseso at kailangan ng sapat na panahon para sa manufacturing at delivery.

Inaasahang ang mga bagong gamit ay mailalagay sa NAIA sa ikalawang quarterng 2019.

Habang hinihintay ang delivery ng mga bagong gamit, iniutos ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang pagpapatupad ng manual interventions gaya ng pagha-hire muna ng dagdag na MIAA-contracted guards.

Kabilang din sa rekomendasyon ang pagsasagawa ng background check procedures para sa mga bagong talagang airport personnel.

Tiniyak ng DOTr sa publiko na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa seguridad sa mga paliparan sa bansa.

Read more...