Isang buong unit ng NPA sumuko dahil sa hindi na matiis na korapsyon sa kanilang hanay

Sumuko sa militar ang isang buong unit ng New People’s Army (NPA) sa Agusan del Sur noong mismong araw ng Pasko.

Ayon kay Brig. Gen. Andres Centino, commander ng 401st Infantry Brigade ng Philippine Army, ang 19 na miyembro ay pawang mula sa isang unit ng NPA na naka-base sa Prosperidad, Agusan del Sur.

Ang mga sumuko ay kinabibilangan ng kanilang team leaders at regular na mga miymebro na nagpasyang umalis na sa samahan dahil sa anila ay korapsyon sa grupo.

Ani Centino, isang “Mark”ang nagpadala sa kanila ng surrender feelers at sinabing hindi na nila matiis ang korapsyon sa CPP-NPA.

Binanggit din ng mga sumuko na hindi na nagkakaroon ng pagkakasundo sa propaganda at aksyon ng grupo.

Ang mga sumuko ay miyembro ng Guerilla Front 3 at Pulang Bagani Command 4 na nag-ooperate sa boundary ng Agusan at Compostela Valley.

Nakuha sa kanila ang matataas na kalibreng armas kabilang ang isang M203 rifle, anim na M16 rifles, M653 rifle, M14 rifle, dalawang granada, mahigit isang libong mga bala, at tatlong radyo.

Sumasailalim na ngayon sa custodial debriefing at processing ang mga sumukong rebelde.

Read more...