Ipinag-utos ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa Bureau of Customs (BOC) ang pagdo-donate ng mga nakumpiskang smuggled rice sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang pahayag, sinabi ni Dominguez na malaki ang maitutulong ng nakumpiskang 30,000 sako ng bigas para sa anti-poverty at disaster relief program mga pamahalaan.
Aniya, ipinaalam na niya kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang naturang kautusan.
Ang saku-sakong mga bigas ay bukod pa sa 16,000 mga sako ng bigas na nauna nang ibinigay ng Customs sa ilalim ng pamumuno ni dating Commissioner Isidro Lapeña para sa mga nasalanta ng bagyo.
Bukod pa dito, nagbigay din ang BOC ng 5,040 de lata, 109 survival blankets, 350 kahon ng bed sheets, 1,332 kahon ng mga damit, at 153 package ng face masks sa DSWD noong Setyembre.
Ani Dominguez, magbibigay din ang Customs sa DSWD ng iba’t ibang mga nakumpiskang damit mula sa mga pantalan sa San Fernando, La Union; MICP sa Maynila; Legazpi City Cebu; Cagayan de Oro; Davao; at Subic.