Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na guilty laban sa pinuno ng Ang Dating Daan na si Eliseo “Brother Eli” Soriano sa kasong libelo na inihain ng isang evangelist dalawampung taon na ang nakakalipas.
Sa 11-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Noel Tijam, kinatigan ng Supreme Court First Division ang bahagi ng naunang hatol na iginawad ng Iriga City Regional Trial Court Branch 60 noong June 8, 2012 at kalaunan ay pinaburan ng Court of Appeals noong 2016.
Partikular na pinananagot ng Korte Suprema si Soriano sa reklamong inihain ni Wilde Alameda na pinuno ng Jesus Miracle Crusade International Ministry (JMCIM) matapos siyang murahin at akusahang “bulaang propeta” sa isang programa ng isang himpilan ng radyo sa Iriga noong July 31, 1998 nang basbasan nito ang pagtakbo ni Dating Presidential Candidate Jose De Venecia.
Kumbinsido ang Korte Suprema na mapanira at may malisya ang binitiwang salita ni Soriano laban kay Alameda at hindi rin ito papasok sa kahulugan ng “priveleged communication.”
Hindi binigyan ng bigat ng Korte Suprema ang argumento ni Soriano na ang kanyang mga salita ay protektado ng Konstitusyon dahil naghayag lamang siya ng kanyang “religious belief.”
Gayunman, inabswelto ng Korte Suprema si Soriano sa isang kaso ng libelo na nag-ugat naman sa pagmumura rin niya at pagbatikos sa mga pastor ng Jesus Miracle Crusade sa kanyang programa sa isang himpilan ng radyo sa Iriga noong July 31, 1998.
Ayon sa Kataas taasang Hukuman, wala naman kasing nabanggit si Soriano na partikular na pangalan ng pastor o pinuno ng Jesus Miracle Crusade sa nasabing episode ng kanyang programa.
Hindi raw sasapat ang nasabing pahayag ni Soriano para masiraan ang reputasyon ng lahat ng mga myembro ng JMCIM.
Dahil dito, alinsunod sa naunang parusa na itinakda ng mababang hukuman, kinakailangan lamang ni Soriano na bayaran ang P6,000 na multa para sa isang kaso ng libelo kung saan siya nahatulan ng guilty.