Pang. Duterte, dadalaw sa burol si Rep. Batocabe

 

Photo credit: Justin Batocabe

Dadalaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng yumaong Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay ngayong Miyerkules (December 26).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, personal na makikiramay ang pangulo sa mga naulila ni Batocabe mamayang alas-singko ng hapon.

Posibleng mabago pa ang oras, subalit sinabi ni Panelo na tiyak na ang pagtungo ni Pangulong Duterte sa burol ni Batocabe.

Si Batocabe ay kilalang kaalyado ng Duterte administration sa Kamara.

Napaslang ang kongresista at police escort nito matapos ang isang gift-giving event sa Barangay Burgos sa Daraga noong December 22.

Nauna nang kinondena ng Palasyo ang pagpatay kay Batocabe, at nangakong papapanagutin ang mga responsable sa krimen.

 

Read more...