Naka-duty pa rin ang lahat ng pulis sa Metro Manila hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa panayam ng Banner Story ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar na wala pa ring bakasyon ang mga pulis sa kalakhang Maynila hanggang sa pagdiriwang ng New Year.
Ibig sabihin, lahat ng pulis ay naka-duty pa rin lalo’t inaasahang na marami pa rin sa mga tao ang magbabakasyon, iiwan ang kani-kanilang mga bahay o kaya ay nasa kalsada.
Ani Eleazar, hindi uubra na makipagsabayan ng bakasyon ang mga pulis sa publikong magdiriwang ng Bagong Taon.
“Ito po yung pagkakataon na iniintay ng marami sa ating mga kababayan na makapag-bakasyon, maraming iiwan ang kanilang bahay. Maraming nasa kalsada. Paano kung makipagsabayan ang mga pulis? Iba po yung trabaho natin, parang media ho yan,” paliwanag ni Eleazar.
Dagdag ni Eleazar, napaka-halaga ng “police visibility” na aniya’y “best deterrent” pa rin laban sa mga kriminal.
Samantala, sinabi ni Eleazar na “generally peaceful” ang pagdiriwang ng Pasko sa Metro Manila.
Aniya, kahit noong siyam na araw ng Simbang Gabi ay walang naitalang Christmas related incidents.
Umaasa naman si Eleazar na magtutuloy-tuloy ito hanggang sa pagsalubong sa Bagyong Taon.