Mayroon nang nararamdamang epekto ang bansa mula sa tropical depression Usman.
Sa 4AM weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 795 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Dala nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro bawat oras, at pagbugsong aabot naman sa 60 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang sama ng panahon sa bilis na 20 kilometro bawat oras sa direksyong kanluran, hilagang-kanluran.
Apektado ng trough ng bagyong Usman ang Eastern Visayas, Dinagat Island, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.
Dahil dito ay makararanas ng maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan ang mga nabanggit na lugar.
Samantala, umiiral naman ang hanging amihan o northeast monsoon sa Batanes at Babuyan Group of Islands, maging sa Ilocos Region.
Para sa nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila, makararanas ng maulan na panahon dahil sa localized thunderstorms.