Dalawang buwan makaraan ang re-opening ng isla ng Boracay ay naglabasan na naman ang mga dating problema sa nasabing tourist destination.
Sa kanilang liham sa Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF), sinabi ng mga residente at business operators sa isla na dapat maging seryoso ang pamahalaan sa pagmo-monitor sa nasabing isla.
Hanggang ngayon anila ay patuloy ang pagsasamantala ng ilang grupo sa kabilang paghihigpit ng BIATF.
Kanilang inihalimbawa ang mahal na singil ng public transport tulad ng mga tricycle na naniningil ng labis lalo’t mga turista ang kanilang mga pasahero.
Sinabi pa ng grupo sa kanilang sumbong na masyadong mahal ang byahe ng mga bangka papunta sa isla.
Nagkalat pa rin umano ang mga iligal na tindahan malapit sa beach front.
Isinumbong rin ng mga residente sa Boracay ang ginagawang pagtigil ng ilang malalaking cruise ship sa isla na umano’y nagdadala lamang ng basura sa naturang tourist spot.
Iyun din umano ang dahilan kaya bawal ang mga malalaking barko sa ilang mga kilalang beach sa ibang bansa.
Dahil sa pagdaong ng mga cruise ship ay lumalampas sa 6,000 ang limit na bilang ng mga turista sa Bocaray na nauna nang itinakda ng Department of Tourism.
Sa kanyang sagot, sinabi ni Environment Usec. Benny Antiporda na base sa kanilang pag-aaral ay hindi naman nakaka-apekto sa dami at limit ng mga turista ang pagdaong ng ilang cruise ship.
Ikinatwiran ng opisyal na sandali lamang na nananatili ang nasabing mga barko sa isla at kadalasang hindi rin nagsu-swimming doon ang mga turista maliban lang sa pamamasyal ng ilang oras.